Nakaw na Halik

Kakilig dampi, damping kakilig
Biglaang dampi, nakaw na halik,
Ako’y dinaanan ng malamig
Na hanging nakapangangaligkig,
Nanunuot ang lamig, kakilig.

Ang hanging dumating, ka’gad din
Nawala, napayi palayo, ang hanging
Malamig, dumampi ng saglit,
Nakaw na halik, iniwan ako—
Nangangaligkig sa lamig.

Inahin

(Sa mamang, naglalakad sa may kalye ng pa-Lipa)

Anong dala-dalahan ba iyan?
‘kako sa malayo,
habang ako’y nakapanungaw

sa iyong anyong sunung-sunong
ang nakatiwarik na mga inahin
sa magkabilang dulo ng tinilad
na kawayang higpit-hawak
ng pareho mong kamay

ang katawan ng tatangnang manipis,
nakaangklang tuos-tatag
sa iyong balikat na nakaarkong
parang balikat ni Kristo
pasan-pasan ang mga pagkakasala,

nilang mga inahin,sa gitna
ng santing ng araw, sa gitna
ng pagaspasan ng mga sasakyang
kasumpa-sumpa ang bilis,
ng walang patumanggang harurot

ng mga businang nakaliligalig
sa mga inahing napapaputak,
napapaigtad sa mala-demonyong
musika sa gitna ng init
ng lupang inaapakan

walang tindig ang di kukurba
sa kay haba-habang paglalakbay
sa kay higpit na hawak
sa pagitan ng mga hakbang
na nagsasakmal ng mga alikabok.

Puno ng Mangga

Isanlibo’t siyam na raa’t walumpu’t pito,
At itong mangha sa iyo’y isang musmos,
Malapit kang nag-aalay-bigay,
Bungang
Nalalaglag
Pababa
Ang asim na nalalaman pa lang noo’y
Ang asim na nakapangangaligkig-sarap,
Ang paklang nalalaman pa lang noo’y
Ang bubot na pinilit-pinitas,
Panahon nila ‘yun.
Nang anyo nami’y ali-aligid lang
Sa mga hagalpaka’t kwentuhang,
Walang-tuos-puknat, sa lilim mong
Bahay-bahayan, hugpungan ng satsat.
Panahon ‘yun
Nang walang nalalamang bukas,
Kundi ang panahong iyon noon,
Nang ang tanging pakialam lang,
Umikot
Umakyat
Manguyapit,
Sa sangkap mong nagsasanga-sanga,
Sa katawang-gasgas, nakahilig na’t lahat
Matindi pa ring pinatitikas-tindig ng ugat.
At ngayon naman
Dalawampung libo’t anim,
Itong mangha sa iyo’y di na musmos,
Malayo kang nag-aalay-bigay,
Bungang
Sungkit-tuos
Di na maabot
Ang asim na nalalaman na ngayo’y
Higit pa sa asim na nakapangangaligkig-sarap,
Ang paklang nalalaman na ngayo’y,
Higit pa sa bubot na pinilit-pinitas,
Panahon na namin ngayon,
Nang anyo nami’y andiyan na sa harap,
Sa pakikituos-hamok, nakasusukol labang
Walang-hinto’t puknat, sa malayong-lilim
Di-tukoy, mapanganib, nakapanginginig.
Panahon ngayon,
Nang may binabantayang kasalukuya’t
Inaalalang hinaharap di-mawari,
Kailangang makisali-alam,
Higit pa sa pag-ikot
Pag-akyat
Pangunguyapit
Sa sangkap mong nagsasanga-sanga,
Sa katawang-gasgas, pinatibay ng panahon,
Matindi pa ring pinatikas-tindig ng ugat.

Dumalaga

Para sa dumalagang dala ni Ka Rudy

Aking naitanong:
Bakit ka ginanyan?

Nakatiwarik—
Nakabungkos ang mga paa
habang nababalot ng supot
ang kabuuan mong namamasa
sa init at sa alimuom
sa loob—
At habang nakatali ang tanging
bahagi mong nakaultaw
—ang iyong mga paa—
sa kableng tansong nakakabit sa metal
na silyang nakabalunbon sa lupa,
agaw-pansin ang iyong kawalang-ingay.

Nang una kang makita
sa tarangkahang sinisiglahan
ng sidhi ng araw, naipagkamali
ka sa isang laruan. Kala ko
may natuwang balutin ka ng ganyan,
italing daig pa ang parausan.
Ngunit nagkamali ako—

Kaya naman, kaagad-agad
ako’y nag-apuhap ng patalim,
sa pagtatangkang bigyan ka
ng malayang hininga’t
nang makawala ka sa alinsangang
kanina pang nanunuot sa iyo.
Dagdag pa sa gusto ko ring makita
ang kabuuan mong tumatayo’t
nagmamalaki sa hustong pagkakalapat
ng iyong mga paa sa lupa.

Subalit naunahan ako—
Hindi ako ang nagtanggal ng tali mo.
At sa halip na nakita kang nakatayo
kinaladkad kang hawak hawak sa iyong leeg;
ang iyong mga kuko’y pakabig na gumuguhit
sa lupa, samantalang ang iyong litid
ay humahangos sa pagpitlig.

Sa sinapit mo,
Ang ‘yong tuka’y naglabas ng mahinang daing
na kinadismaya ko—
sa panahong nagtatangka ang malupit
na pagtatapos mo, ang inasahan ko’y
ungol at hiyaw na higit pa
sa tilaok ng tandang sa pagsisimula ng umaga.
Pero, ano nga bang klaseng ungol
ang aasahan ko sa iyo?
Ni di ko alam kung pinakain ka na’t
may lakas para ihayag ang hinagpis mo.

Di nagtagal, pinaliguan ka naman
ng tubig na kanina lang ay kumukulo’t
nagwawala sa kaserolang dinidilaan ng apoy.
Alam ko, mahapdi, pero
malamang di mo na naramdaman
‘pagkat kanina pa nang nangisay ka—
nang ang dugo mo’y unti-unting
lumiligwak sa iyong leeg at kinuha
ang malay mo, ang buhay mo—
habang nagpipipiglas pa rin ang iyong
mga paang kahit sa huling oras
ng iyong buhay ay nakatali pa ri’t di na
muling naranasang lumaya.

Di na ko nakaimik…
nang patay ka na’y isa-isa pang binunot
ang mga balahibo sa pakpak mo’t
kinalisan ang kasingitsingitang bahagi mo
hanggang sa…
buong-buo, hubad na hubad
at hubung-hubo kang muling hinilata’t
tinawarik sa lugar na pinagpaslangan sa iyo.

Sapagkat, ang sabi nila,
Masarap ang Dumalaga.